Enero 7, 2025 – Maaayos ang isinagawang kauna-unahang flag raising ceremony na dinaluhan ng bagong Punong Bayan ng Munisipyo ng Juban, Rogel “Botox” Fulleros. Ito ay ginanap sa Municipal Ground ng Gusaling Pamahalaan ng Juban, Sorsogon.
Sinimulan ang programa sa isang makabuluhang panalangin na pinangunahan ni Bishop Gerry Cariño, na humiling ng gabay at biyaya para sa bagong administrasyon at lahat ng mamamayan ng Juban.
Sa kanyang taos-pusong talumpati, buong tapang at paninindigan na inihayag ni Mayor Fulleros ang layunin na itaguyod ang “Bag-ong Juban, Bag-o na Istorya nin Paninerbihan” — isang panata ng pamahalaang bayan na magdadala ng tunay na pagbabago, malasakit, at pag-angat sa antas ng pamumuhay ng bawat Jubangnon.
“Wala po akong ibang hangarin kundi ang umayos at umasenso ang buhay ng bawat pamilyang Jubangnon. Pangarap ko na maitaas ang moralidad, dignidad, at antas ng kabuhayan ng lahat,” mariing pahayag ng alkalde.
Ipinangako rin niya na simula ngayong araw, masisilayan na ang konkretong pagbabago, lalo na sa larangan ng imprastruktura. Ilan sa mga proyektong ito ay uumpisahan ngayong taon at lalo pang palalawakin sa mga darating na taon. Tiniyak niyang ang lahat ng ipinangako noong kampanya ay magiging realidad sa tulong ng Vice Mayor, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, mga department heads, at sa pagkakaisa ng lahat ng kawani ng LGU Juban.
Hindi rin nakalimutan ng alkalde ang mga nasa laylayan ng lipunan. Aniya, sisiguraduhin niyang mailalapit ang serbisyo ng gobyerno sa bawat mamamayan—mula sa sentro hanggang sa pinakadulong barangay ng Juban.
“Gobyernong makatao at maka-Diyos—iyan po ang serbisyong dapat maabot at maramdaman ng lahat,” matatag niyang pahayag na sinabayan ng masigabong palakpakan at pananabik – sa bagong simula ng bayan.
Ngayong araw, pormal nang isinilang ang bagong kabanata para sa Juban—isang yugto ng pagkakaisa, malasakit, at pag-asa para sa mas maliwanag na kinabukasan.