Sa bisa ng Presidential Order No. 29 ni dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte, ang buwan ng Hulyo ay itinalagang National Disaster Resilience Month. Ngayong taon, ginugunita ng buong bansa ang NDRM na may temang “BIDANG Pilipino: Building a Stronger Filipino Well-being towards Disaster Resilience” na nakatuon sa pagsigurong ang kapakanan ng mga Pilipino ay mabigyang halaga nang sa gayon ay epektibo silang makatulong sa pagsulong ng Disaster Resilience sa bansa.
Kaugnay nito, ang Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ay nakipag-ugnayan sa Juban MDRRM Office para sa selebrasyon ng Nat’l Disaster Resilience Month. Isang simulation exercise ng pagputok ng Bulkang Bulusan ang isasagawa sa Barangay Putingsapa, Juban, Sorsogon sa Hulyo 31, 2023. Matatandaang madalas na masalanta ng pagputok ng Bulkang Bulusan ang nasabing barangay. Katunayan nito lang taong 2022 ay muling sinubok ang katatagan ng mga residente ng Putingsapa nang ilang ulit na sumailalim ito sa phreatic eruption na bumalot sa buong barangay sa abo na may nakasusulasok na amoy.
Nitong Hulyo 26, 2023 ay nagkaroon ng briefing ang SPDRRMO at MDRRMC sa gaganaping simulation exercise. Mismong si Engr. Raden D. Dimaano, SPDRRMO, ang nagbigay ng overview ng magaganap na aktibidad.
Samantala, naganap naman ang isang final briefing kasama ang iba’t ibang ahensyang kalahok sa nasabing aktibidad nitong Hulyo 27, 2023 sa Executive Conference Hall.
Sa oras na alas nueve y medya ng Lunes, Hulyo 31, 2023 ay patutunugin ang sirena na hudyat na opisyal na ngang nagsimula ang simulation exercise.