Matagumpay na nagsipagtapos ang 23 benepisyaryo ng Paper Quilling Training mula sa apat na mga barangay sa Bayan ng Juban, kasama na dito ang mga barangay ng Embarcadero, Tughan, Bacolod at Catanusan. Isinagawa ang seremonya ng pagtatapos sa Juban Training Center Orientation Hall sa pangunguna ni Bb. Carmen Guevara, PESO Manager, kasama ang mga trainor na sina Pastor Mario Gacis at Eva Marie Gacis. Nagsimula ang Paper Quilling Training noong ika-18 ng Agosto at nagtapos naman nitong ika-14 ng Setyembre.
Mula sa mga papel, ay natutunan nila kung papaano gumawa at makabuo ng mga obrang maipagmamalaki at mapagkakakitaan. Ang sining na ito ay tinatawag paper quilling art kung saan gamit ang papel na nirorolyo ay hinuhulma sa iba’t ibang hugis o porma at idinidikit sa matigas na karton para makabuo ng isang magandang pangdekorasyong obra.
Dumalo din sa nasabing graduation si Mayor Gloria L. Alindogan kung saan ay ipinaabot ng alkalde ang lubos na pagkagalak sa mga nagsipagtapos sa nasabing training. Aniya, maging daan sana ito para makatulong sa paghahanap-buhay ng bawat isa. Dagdag niya pa, bukas ang Lokal na Pamahalaan ng Juban para matulungan ang bawat Jubangnon na magkaroon ng mapagkakakitaan lalo pa’t isa sa prayoridad na programa ng kanyang administrasyon ang pagbibigay kabuhayan sa mga Jubangnon sa ilalim ng GO Program.
Bilang pasasalamat ng mga nagsipagtapos ay hinandugan nila si Mayor Glo ang isang obra ng Selyo ng Bayan ng Juban na likha mismo ng trainers at 23 benepisyaryo ng nasabing training. Layunin ng regalo na ito na ipakita ang kanilang taos pusong pasasalamat dahil sa training na kanilang natanggap mula sa PESO Juban. Ito ay isinagawa sa pamamagitan ng Unveiling of Seal na pinangunahan mismo ng alkalde kasama ang trainors at Bb. Guevara.
Mula sa Lokal na Pamahalaan ng Juban,
Maligayang pagtatapos sa inyong lahat!