Ngayong Hulyo 2023 ay ipinagdiriwang ng buong bansa ang National Disaster Resilience Month na may temang “BIDANG Pilipino: Building a Stronger Filipino Well-being towards Disaster Resilience”. Bilang paggunita sa NDRM, nakipag-ugnayan ang Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, sa pamumuno ni SPDRRM Officer Engr. Raden Dimaano, sa mga Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer ng kanya-kanyang munisipalidad sa Probinsya ng Sorsogon para sa isang culminating activity. Napili ang Juban na pagdausan ng Simulation Exercise ng pagputok ng Bulkang Bulusan ngayong huling araw ng Hulyo taong 2023.
Bago pa man ang nasabing aktibidad, ilang beses na bumista ang SPDRRMO sa Juban upang plantsahin ang mga detalye. Nagkaroon rin ng briefing ng iba’t ibang ahensyang may kaugnayan dito.
Bukas-palad na w-in-elcome ni Mayor Gloria L. Alindogan ang mga panuhin sa naganap na flag raising kaninang umaga. Nagbigay rin ng kortesiya ang mga ito kay Mayor bago sinimulan ang final briefing ng flow ng programa.
Sa oras na alas nueve trenta y cinco, tumunog ang sirenang hudyat na nagsimula na ang simulation exercise. Umakto ang lahat na tila ba sumasailalim nga sa tunay na sakuna.
Agad na nagreport si Ginoong Arvee T. Lodronio ng Juban MDRRM Office kay Mayor Glo tungkol sa insidente. Sa kanyang rekomendasyon, ang Incident Management Team ay in-activate. Matapos ito ay isang emergency Incident Management Team miting ang ipinatawag kung saan ang mga miyembro ay binigyan ng update sa kaganapan. Lininaw sa naganap na miting ang mga responsibilidad at tungkulin ng bawat miyembro.
Nang masigurong ang lahat ng kakailanganin tulad ng relief packs ay handa na, agad na isinaayos ng bawat isa ang kani-kanilang mga tasks.
Samantala, inilikas naman ng MDRRMO, 92nd SAC PNP at Coast Guard Sorsogon ang mga residente ng Barangay Putingsapa mula sa kanilang barangay tungo sa Municipal Evacuation Center. Sa pamumuno ni Punong Barangay Elizabeth B. Balaguer at ng kanyang mga kasamahan sa BLGU Putingsapa, limampung indibidwal ang inilikas. Sila ay nagsilbing evacuees.
Habang sila ay inililikas, nagsilbi namang security team ang Municipal Police Station personnel at 31st IB Philippine Army habang ang BFP R5 Juban naman ay nagkondukta ng road clearing operation.
Agad namang inasikaso ng MDRRMO, MSWDO at MHO personnel ang mga residente sa kanilang pagdating sa evacuation center kung saan nilapatan ng agarang panlunas ang mga nagpakita ng sintomas ng hirap sa paghinga at high blood pressure na dulot ng stress at panic sa naganap na “pagsabog ng bulkan”. Pati na rin ang may sintomas na ubo.
Sa kabilang dako ay isang media briefing naman ang isinagawa ni Ginoong Arian Aguallo na siyang Public Information Officer ng IMT.
Matapos mabigyan ng ayuda ang mga evacuee at masigurong ligtas na ang lahat ay inanunsyo na ang decampment bandang alas dose ng tanghali.
Nagkaroon naman ng evaluation matapos ito kung saan nagbigay ng feedback kung paano mas magiging maayos at epektibo ang Lokal na Pamahalaan ng Juban sa pag-iimplementa ng contingency plan kung sakali mang muling pumutok ang Bulkang Bulusan. Positibo naman ang natanggap na feedback ng LGU Juban.
Ang naturang aktibidad ay hatid ni Governor Edwin “Boboy” Hamor na naglalayong imulat ang kamalayan ng lahat sa iba’t ibang mga aktibidad na may kinalaman sa apat na thematic areas ng disaster resilience: prevention and mitigation, preparedness, response and rehabilitation, at recovery. Bagamat ito ay una, sinisiguro ng pamahalaan na hindi lamang ngayong buwan maghahatid ng kahandaan at kamalayan ukol sa disaster resilience ang Probinsya ng Sorsogon at mga lokal na pamahalaan.
Pinapasalamatan naman ng LGU Juban, sa pangunguna ni Mayor Glo, ang lahat ng nakilahok sa aktibidad na ito.
Ang coverage ng naganap na Simulation Exercise ay makikita sa Sorsogon Provincial Information Office.