Opisyal nang nagsimula ang B² Inter-Barangay Basketball Tournament ng Liga ng mga Barangay sa Juban, sa pangunguna ni ABC President Hon. Rogel “Botox” Fulleros, ngayong araw, ika-6 ng Agosto 2023 sa pamamagitan ng isang grand parade. Ito ay nagsimula sa Barangay Cogon, Juban, Sorsogon at nagtapos sa Barangay South Poblacion. Dalawampu’t siyam na koponan ang maglalaban laban para sa pinakamimithing titulong kampyeon at premyong isang daan at limampung libong piso.
Ang isports na basketbol ay talagang tanyag sa Pilipinas. Hindi lang paglalaro nito ang kinagigiliwan ng mga Pinoy kundi pati na ang panunuod. Kaya naman hindi na nakapagtataka ang pinapakitang interes at buhos nga suporta ng mga Jubangnon sa pagbubukas ng B² Inter-Barangay Basketball Tournament para sa kanilang mga pambato.
Suot ang kani-kanilang mga customized jersey ay pumarada ang mga manlalaro sa poblacion kasama ang Barangay Local Government Unit Officials.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga manlalaro kay Mayor Gloria L. Alindogan na nagpakita ng suporta sa mga ito sa pamamagitan ng personal na pag-sponsor sa uniporme ng karamihan sa mga ito.
Ilang beses nang binigyang diin ng alkalde ang kanyang kagustuhang makatulong sa mga manlalarong Jubangnon patunay na riyan ang suportang pinansyal na kanyang ibinigay sa mga kagaya ni Rose Jane Barcelona at Juban Taekwondo Team na nag-uwi ng karangalan para sa Munisipalidad. Giit nga ni Mayor Glo, isa ang isports sa nakikita niyang paraan upang maiwasan ng mga kabataan ang masamang bisyo at gawain. Mabisa rin itong paraan upang matuto ang mga kabataan na makibagay at maging disiplinado.