Lubos na ikinalugod at isang mainit na pagpapasalamat ng Lokal na Pamahalaan ng Juban ang pagbisita ni Governor Edwin “Boboy” Hamor kasama ang ilang opisyal at empleyado ng Sorsogon Provincial Office kaninang hapon, Hulyo 6, 2023. Matatandaang ilang munisipalidad na rin ang binisita ni Gov Boboy tulad ng Pto. Diaz, Gubat, Barcelona, Bulusan, Sta. Magdalena, at Matnog bilang bahagi ng kanyang paghahatid ng serbisyo kung saan laging una ang mga Sorsoganon sa pamamagitan ng kanyang 7K Program.
Sa kanilang pagbisita, mas kinilala ng Sorsogon Provincial Office ang Juban sa pamamagitan ng pagkamusta sa kalagayan ng iba’t ibang aspeto nito tulad na lang ng financial status nito. Bukod dito, inalam rin nila kung ano ang pangangailangan ng munisipalidad. Nagbigay rin sila ng ilang mga solusyong maaaring iimplementa ng LGU Juban upang mas mapabuti ang paghahatid ng serbisyo sa publiko. Nangako rin si Governor na magaabot ng tulong pinansyal upang natugunan ang mga pangangailangan ng mga Jubangnon partikular na sa Barangay Sablayan.
“Paigtingin ang paghahatid ng basic services,” iyan ang naging mensahe ni Gov para sa lahat partikular na sa mga opisyal at department head ng Lokal na Pamahalaan ng Juban. Ito umano ang pinakamabisang paraan para maiaangat ang pamumuhay ng mga Jubangnon. Pinangako naman ni Gov na hindi kailangang mangamba ng mga Department Head dahil bukas ang Sorsogon Provincial Office upang alalayan sila.
Nagkaroon naman ng pagkakataon ang mga opisyal at department head na magbahagi ng kanilang mga saloobin at mga suliranin na agad namang binigyang suhestyon at solusyon ng gobernador.
Pinabatid rin ni Gov Boboy ang kanyang buong suporta at paghanga sa maayos na pamamalakad sa Juban sa pamumuno ni Mayor Gloria L. Alindogan sampu ng kanyang Sangguniang Bayan sa pangunguna naman ni Vice Mayor Felipe Guasa.
Bago umalis ay nangako si Gov Boboy na sa mga susunod na araw ay maasahan ng Lokal na Pamahalaan ang pagdating ng kanyang handog na 700 bags ng urea, mga gamot at iba pa.